Kolonyal na Edukasyon

Ang kolonyal na sistema ng edukasyon ay patuloy na lumalala at isinusulong. Ang sistemang umiiral ay nilikha upang tugunan ang kinakailangang manggagawa ng mga banyaga. Hindi ito para sa atin o sa kapwa natin Pilipino, at lalong hindi ito para sa sariling pag-unlad ng ating bayan, para ito sa interes ng iba. Para ‘yang pagyayari ng isang produkto na hinulma upang mapakinabangan o ibenta sa iba. Parang papet na walang sariling pag-iisip na sumusunod sa kontrol ng iba. Para rin ‘yang sasakyan na puno ng pasahero ngunit sa maling ruta at destinasyon ang tungo. Napakalinaw na isa itong kataksilan sa sariling bayan.

K-12. Dagdag dalawang taon para saan? Para itaguyod at pagyabungin ang interes ng ibang bayan. Niloloko nyo lang ang mamamayan. Hindi ba’t mas mahalaga na ang punan ay ang pangunahing problema sa edukasyon. Kakulangan ng aklat, kakulangan ng silid-aralan, kakulangan ng upuan, kakulangan ng guro at suliranin sa pasahod ng mga guro. Iyan dapat ang binigyan nyo ng solusyon at hindi ang pagdagdag ng dalawa pang taon sa sekondarya. Nasabi kong hindi ito makatarungan at tutol ako sa K-12 system. Unang punto, dahil ito sa globalisasyon o modernong terminolohiya para sa imperyalismo at kolonyalismo. Sinunod natin ang sistema ng edukasyon sa ibang bansa dahil ito ang iminungkahi nila. Para saan ba ang makabagong sistem? Para sa ating pagunlad o para ito sa kanilang interes? Pangalawang punto, hindi ito makatarungan sapagkat hindi ito naaayos sa bansa natin. Hindi sapat ang paaralan at kagamitan upang matugunan ang dagdag na dalawang taon. Ang K-12 ay pinairal sa kadahilanang para ‘raw’ maging handa ang bawat mag-aaral sa propesyon na nais nilang tahakin o upang maging handa sa desisyong magsimula ng magtrabaho. Ngunit hanggang ngayon walang sapat na istatistika patungkol sa epekto ng K-12, kung ito ba’y nakabubuti o nakabuti sa pahahanap ng trabaho. Marami paring korporasyon at kumpanya ang hindi tumatanggap hanggat hindi nakatungtong ng kolehiyo. At huling punto, pasakit lang ito sa mamamayan. Hindi makatarungan ang dagdag dalawang taon para masabing mas naging matalino at handa ang mga Pilipino. Ang kailangan ay tamang edukasyon at tamang pagbibigay ng pangunahing kailangan lalo sa edukasyon. Dahil ang sistemang K-12 ay isa lamang sa mga paraang ng pagbebenta sa kabataan, hindi para sa ikauunlad ng bayan.

Philippine History. Kasaysayan. Tinanggal ang pag-aaral ng kasaysayan sa hayskul. Kaya pala ang ibang kabataan, nagtataka bakit nakaupo lamang si Mabini sa pelikulang Heneral Luna. Kung nabubuhay si Luna baka sabihin nya’ng, ‘Punyeta’. Gusto n’yo ata talagang baguhin ang kasaysayan, kaya hanggang ngayon ang hindi bayani ay nagiging bayani na. Tandaan natin na mahalaga ang pagpapalawig sa pag-aaral ng kasaysayan. Doon tayo natututo at mas namumulat. O baka naman gusto n’yo rin talagang gawing bulag sa kasaysayan at kasalukuyan ang mamamayan lalo na ang bagong henerasyon.

Philippine Constitution. Konstitusyon. Sa bagong kurikulum sa antas ng kolehiyo ay inalis na rin ito sa kadahilanang naituro na raw ito sa SHS ngunit depende iyon kung anong ‘strand’ ka. Samakatuwid, hindi lahat ng estudyante ay matututunan ang hinggil sa batas at karapatan. Kaya pala wala pa rin silang alam sa pagkakaiba ng ‘search warrant’ at ‘warrant of arrest’. Kaya pala hindi nila alam ang bill of rights, citizenship, national territory at marami pang iba. At ang kaibahan ng iba’t ibang konstitusyon batay sa kasaysayan. Sa kolehiyo ay mas eksperto ang magtuturo, mas kritikal at mas komprehensibo. Hindi ba ito mahalaga? Hindi ba mahalagang matutunan mo ang sibil at pulitikal mong karapatan, ang karapatang pantao? Kaya ka inaabuso at niloloko dahil sa hindi sapat na kamalayan at karunungan.

Philippine Literature & Filipino. Wikang Filipino at Panitikan. Nakakalungkot at nakakagalit na talaga. Sobra na! Ang pag-aaral ng sarili nating wika at panitikan ay aalisin na rin sa kolehiyo. Kung sa ibang wika nga ay hindi na tayo magkaunawaan, sa sariling wika na hindi magkaintindihan, paano na kaya? Baka layon talaga na magkawatakwatak ang sambayanan. Hindi ba’t mas nakakahiya na baluktot ka sa sariling wika kaysa pagiging matatas sa wikang banyaga? Dapat kang mahiya! Bakit ba kailangan mag-aral ng ibang wika? Malinaw na upang ibenta ang kabataan sa pagtugon sa interes ng ibang bansa. Kaya ang ibang lahi ang tingin sa Pilipino ay alipin pa rin. Kaya sarili nating bansa ay hindi pa rin umuunlad. Bakit ang ibang lahi kagaya ng mga Hapon, hindi naman sila bihasa sa ibang wika ngunit progresibo at maunlad ang kanilang bansa. Kayo na ang humusga. Kailanman ay hindi pamantayan ng pag-unlad at katalinuhan ang pagiging matatas sa ibang wika. Kung paulit-ulit ito na inaaral mula elementarya hanggang tersyarya? Hindi ba’t mas dapat kang matuwa? Nakakatuwa sa pagpapalawig ng sariling wika, pagsusulong ng dugong makabayan at nasyonalismo sa bansa. Dagdag pa riyan, kung ang matematika, physics, calculus o iba pang asignatura ay inaaral hanggang kolehiyo; (paumahin sa mga Math major, sana maunwaan nyo ang punto ko patungkol sa kurikilum) bakit hindi ang panitikan at Wikang Filipino? Tanong lang, kapag ikaw ba ay nagtrabaho magagamit mo ang Calculus? Kung Hindi ka naman engineering at nursing student ka. Depende ‘yan sa propesyon na napili mo. Hindi ba’t mas kailangan natin pagyabungin ang komunikasyon at wikang pambansa? Mas naiintidihan natin ang kapwa natin sa sariling wika at hindi sa pagiging magaling sa pagbibilang ng numero, algebra o anumang aritmetika? Siguro mas angkop yan sa isang makina at hindi sa tao. Mas kailangan bang aralin ang kultura at panitikan ng iba? Hindi, datapwat isa iyong pribilehiyo na may matutunan tayong iba. Ngunit hindi ba’t mas kailangang gamutin at pagtuunan ng pansin ang sariling suliranin ng ating lipunan maging sa wika. Nakakahiya ba maging Pilipino? Oo, mas nakakahiya lalo na sa nangyayaring sistema ngayon sa lipunan. Ang tamang edukasyon ang tunay na makakapagpabago ng lipunan at makakapagsulong sa bayan, hindi kolonyal na edukasyon.
Kayong mga nakaupo at namumuno sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, kayong mga mahistrado ganyan na ba talaga kayo katalino para pagtaksilan ang sarili bayan? Totoo nga, hindi talaga tayo ganap na malaya. Ang kolonyal na edukasyon ay patuloy na lumalala. Ano po kaya ang dapat idagdag at ibawas? Dagdagan po natin ang pagmamahal sa bayan at kapwa Pilipino at alisin ang kolonyal na kaisipan.

Pilipino ako,
Mahal ko ang Wika ko,
Mahal ko ang Bayan ko,
Mahal ko ang kapwa ko Pilipino,
Kaya may pakialam ako.
-JMR

Pader ko ito, karapatan kong magpahayag ng sarili kong damdamin. Damdamin kong nagpupuyos na sa lungkot, pagkadismaya at galit.

Advertisements

3 thoughts on “Kolonyal na Edukasyon

  1. Mas ikinapuputok ng butsi ko yung panukalang gawing sapilitan ang pag-aaral ng Hangul kaysa Filipino.

    Hangul. Hangul?! PUTANGINA HANGUL?! ULUL!

    Dahil lang maraming mga Koreanong tugtugin sa radyo at palabas sa telebisyon, gagawing sapilitan ang pag-aaral ng wikang Koreano?! Sinong tanga ang nagpanukala niyan?

    Liked by 1 person

    1. Tama! Nakaka-ulul na tunay. Ginagawang pambenta ang kabataan ng bansang Pilipinas para sa ikauunlad ng mga banyaga. Nakakalungkot isipin na mga lider pa ng iba’t-ibang ahensya ang hindi makaunawa sa tunay na kakulangan at pangangailangan ng Pilipinas.

      Liked by 1 person

      1. Hindi talaga nila mauunawaan. Nakapasa sa serbisyo sibil, nagta-trabaho sa pamahalaang matatag, hindi nag-aalalang masisisante (maliban na lang kung may kagaguhang ginawa), tapos kakamada ng pensiyon pag-retiro. Pansariling interes lang talaga ang nasa utak ng mga hayop.

        Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s